Life of Tonyo

After 5 years, walang bago, hicajos pa din ako. Naiinip na ko sa paulit ulit na proseso. Pabalik balik pa din ako sa umpisa parang hindi ako umuusad. Nakakapagod na pero hindi pa ko pwedeng sumuko. Madalas naiisip ko, andami ko palang palpak na plano, ang daming sinayang na oras, araw at buwan na 5 taon na pala. 

Napapadalas ang pagiisip ko nitong mga nakaraang mga araw, puro mga what if’s at takot sa susunod na mga araw, buwan at taon. Wala akong mapagsabihan ng mga anxieties at mga confusions ko. Madami akong gustong gawin at tuparin pa, para ma-secure yun future ko at pamilya ko. 

Ang problema kasi sakin, ang hirap kong magtiwala, hindi ako at ease na may pinagsasabihan ng mga problema ko, kahit kay Maan na dati kong kakampi. Ang hirap sakin na magsabi sa Pamilya ko at mga Brods ko. Katwiran ko kasi, wala naman silang mai-aambag na solusyon, madalas sermon pa. 

Ano na ba na-achieve ko sa 5 taon ko? Naka-Graduate ng Vocational Course at College Degree, baon sa utang (smart, globe, sun, SSS, Pag-ibig, Loan at sa Nanay ko), yun mga naipundar ko nauwi din sa wala, tapos may mga babayaran pa kong indemnity at moral damages sa court. 

Malapit ng Mag-2023, eto pa din ako naguumpisa. Lumalaki na yun mga anak ko, may dalaga na ko, naguumpisa pa din ako. 5 years from now, magco-college na yun dalaga ko. Sana man lang, sa panahon na yan nakausad na ko kahit isang baitang man lang. Gusto kong iparanas sa anak ko na makapag-aral sa kolehiyo na katulad ko, yun ikaw ang pipili ng course dahil yan ang gusto mo.

Sabi ko dati bago ako lumabas, partida ko na sa kanila ang 10 taon nila, sa mga kakilala, ka-batch ko sa highschool, college, kapitbahay mong tsimoso at tsismosa at mga kamaganak mong nanghusga at nagdalawang isip na magkakaron ako ng maayos na buhay after ng nangyari sakin. 10 taon na tambay at patabaing baboy.

Mahirap makipagsapalaran ng parehas lalo na kapag nakatali ka pa din, nakalabas lang ako ng hawla pero habambuhay ng nakatali. Nagpipilit lumaban ng parehas, naghahanapbuhay ng parehas at walang nilalamangan, MAHIRAP PALA TALAGA!

Mahirap yun wala kang masandalan, kakampi at nakakaintindi. Ang tao ngayon, lahat ng pakiramdam kapag nilapitan mo, lalamangan mo, lalo na sa may mga kaparehas ng sitwasyon ko. Ma-swerte pa ko maski papano, may mga bilang sa daliri na hindi bumibitaw sakin (hanggang kailan?!).

Dalangin ko, sana sa mga dadating na mga araw, magiba naman ang ihip ng hangin, patamain mo naman ako kahit isang beses lang. Mahirap ang maglakbay ng magisa, sayo na lang ako kumakapit. 🙏