From Brods to Kosa

14 years and 9 months.....

“Ang totoong Gago ay hindi yun mga napunta sa piitan dahil sa pangho-holdup, pagbebenta ng drugs at nakagawa ng mga Krimen ng dahil sa kahirapan kundi ang may mga maayos na pamilya, nakapag-aral, at hindi iniisip kung san kukunin ang kakanin sa pang-araw araw.“

Masarap ang buhay estudyante lalo na buhay kolehiyo. Pumapasok para palawigin ang kaalaman at kamalayan. Dahil sa isang pagkakamali, nawalang parang bula. Hangang ngayon, iniinda ko pa din ang pagiisip na sana hindi na lang nangyari yun at 10 taon na maraming pwedeng maganap.

Matagal ko ng pinagsisihan yun pangyayari at habambuhay ko yan pagbabayaran, nakalabas lang ako ng hawla, pero nakatali pa din sa nakaraan. Ang masakit nito, kasama sa pagbabayad ko ang kinabukasan ng pamilya ko. Sa 10 taon na nawala sakin, yun panganay kong anak ang na-sakripisyo ko, lumaki sya na wala ako sa tabi nya. Walang araw na hindi ko yan iniinda, kaya nun biniyayaan ulit ako ng mga anak, ayokong ipadama sa kanila yun kawalan ko sa panganay ko.

KOSA!

Yan ang maririnig mo sa mga pasilyo ng mga brigada. Kosa, tanging sandigan mo sa Oblo na ang tanging Batas ay BALILA! 

Sa Oblo ang mga batas ay simple, hindi kumplikado pero lahat sumusunod. Kapag may inutang, obligadong bayaran. Tanging mga salita lang ang kayang panghawakan kaya bawal mabali ang mga salita. Wala kang ibang kayamanan kundi ang iyong pagkatao, nasa oblo ka, wala ka sa laya kaya ang second chances dito binibili at hindi binibigay.

Isa sa mga tumatak sa akin sa Oblo, 3 estado ng preso lang meron dyan. Yun may pera, nakapag-aral at Iliterado, ang anak ng Diyos, yun may pera na, may pinagaralan pa. Ang mga nasa ilalim ng laylayan yun mga iliterado, madalas salang sa grupo. Sa Oblo bawal ang balat sibuyas at Mababa ang sikmura. Hindi ka tatagal sa Oblo, kung hindi mo kayang panindigan ang isa man dyan. 

Dalaw ang pinaka-importanteng tao sa Oblo, pero ika nga sa Oblo, kumukupas ang Dalaw. Hindi lahat kayang mapanghawakan ang mga salitang LALAYA DIN AKO. Lahat ay lalaya, kasabihan nga sa Oblo, kung “Ang Sardinas nga nakakalaya, tao pa kaya” - ang tanong Kailan? Sa 10 taon ko sa Oblo, iba’t ibang mukha na ang mga nakasalamuha ko. Nabibilang ako sa pangalawang estado na preso, hindi kami mayaman kaya gamitin ang pinagaralan. Kung may aral ka, mabubuhay ka sa Oblo, basta dapat tiyan mo lang ang palalakihin mo at hindi ang ulo. Pinapaputok ang mga lumalaki ang ulo sa Oblo.

Magtanim ka ng maraming pakikisama at wag kang mamimili ng mga pakikisamahan mo, mapa-KOSA o Kalugares. Mabilis ang ihip ng hangin sa Oblo, kung sa araw na ito, nasa pedestal ka, bukas ng umaga Buyonero ka na. Kaya magtanim ka ng maraming pakikisama. Hindi ako nahirapan sa bagay na yan, dahil lagi kong katwiran, walang namamatay mag-isa kung magaling makisama.

Ang pinakamahiap makitang tagpo sa Oblo, yun oras ng labas dalaw. Binabalik ka nyan sa realidad na nasa piitan ka at ang mga oras kasama ang Pamilya mo ay pawang mga hiram lang. Sa tuwing maalala ko yun mga pinagdaanan ko sa Oblo, hindi ako minsan makapaniwala na nakayanan ko pala yun. Yun isang beses kada 2 buwan hanggang taon na ang binibilang kung madalaw ako ng Pamilya ko, mapalad lang din ako na hindi ako sinukuan ni Maan nung panahon na dumadaan ako sa pagsubok. Marami akong mga nakasama at kakilala na nagbibilang lang ng araw para kumupas ang Dalaw. Dumanas din kami ni Maan sa panahon, na nagaagaw yun pressure samin lalo na nung dumating yun Prinsesa namin. 

Sa tuwing maalala ko yang mga panahon na yan, yun sitwasyon na wala ako magawa para sa Pamilya ko daig ko pa ang imbalido at inutil. Nakakalungkot lang din, dahil pakiramdam ko parang Katawan ko lang ang nakalaya dahil hanggang ngayon nakatali pa din ang kaisipan ko. Ang mahirap tanggapin sa sitwasyon ko, yun nasa laya ka nga, limitado lang ang kaya mong gawin at lagi akong bumabalik sa umpisa!